Tungkol sa Akin

My photo
Pasig City, Philippines
Ang alam ko masarap ako......... ka- kwentuhan, ka- baliktaktakan, bilang kaibigan. Magaling din ako..... sa mga bagay na di mo pa alam, kasi doon ako nakakalikha ng isang magandang kwento na ako ang bida at ikaw ang kalaban. Pero depende pa din kung kaibigan kita.

Saturday, January 9, 2010

Tasa


" Buti na lang may kape, kasabay ng paghalo ng kutsarita sa pingahalo-halong sangkap sa kapihan,, ay sumasabay din ang mga kwento ng buhay , masasayang alaala at mga hinanakit kung minsan. Salamat sa pagsama sa pag inom ng kape kaibigan!!! "

Nung isang araw lang kasama kitang nagkape, di ko ko maitago ang kalungkutan sa aking puso, ikaw ang pinaghuhugutan ko ng lakas ng loob, di ko makalimutan yung mga bagay na sinabi mo para bumangon ako sa pagkakadapa sa isang kumunoy na tila nagpaguho ng aking mga pangarap. Nasaan ka na kaibigan? nais ko muling marining kung paano mo ako pinalakas, nais kong madamang muli ang mahigpit mo na yakap, nais kong muling lumuha sa iyong mga balikat. Ngayon nag iisa na lang ako sa paborito nating kapihan. Nag iisang naghahalo ng kape , hanggang sa lumamig. Wala na akong kasabay na tumatawa, wala nang ngumingiti sa akin habang tumutulo ang aking mga luha, ngiti ng isang kaibigan na nagsasabing sige lang ibuhos mo lang , mamaya pagkatapos ng iyak may panibong bukas.

Hindi ko pa rin matanggap ang iyong paglisan sa mundong minsan nating pinagsamahan, pinagtawanan, iniyakan. Sa dako roon kung saan ikaw ay naroon, sana, sa paghalo ko ng mga sangkap sa tasa ng aking paboritong kapihan, naaamoy mo ang aroma ng kape ng aking pagmamahal, ng aking pangungulila sa isang taong pinagkautangan ko ng aking buhay, na tumulong upang mabuo ako bilang ako. Sana, dinig mo ang tunog ng kutsarita ng pangungulila sa mga tawa na iyong iniwan sa aking alaala. Sana, nalalasahan mo ang paborito mong timpla ng kapeng minsan nating pinagsaluhan, paghalo ng ating mga masasayang kwetuhan.

Isa na lang ako sa ating kapihan, pero batid kong darating ang panahon na muli tayong magsasalo at magkikita sa paborito nating timplahan, muli akong tatawa at iiyak kasama ka. Sa ngayon, hayaan mo munang matuto akong magtimpla mag isa, tanungin ang sarili ko kung tama ba ang timpla? kung madami bang asukal ang nailagay ko sa aking tasa? Tawanan mo na lang ako o ngitian kung makita mong napaso ako sa init ng aking pagtimpla, matututo din akong uminom ng kape mag isa.

Salamat sa kwento, sa mga aral at pakikipag kaibigan. Masakit mang sabihin saiyo ko inaaalay ang huling tasa ng kape, pababaunan na lang kita ng masasayang alaala ng ating pagkakape. Hanggang sa muling pagtaas ng ating mga kamay, hawak ang ating paboritong tasang kapihan.