Tungkol sa Akin

My photo
Pasig City, Philippines
Ang alam ko masarap ako......... ka- kwentuhan, ka- baliktaktakan, bilang kaibigan. Magaling din ako..... sa mga bagay na di mo pa alam, kasi doon ako nakakalikha ng isang magandang kwento na ako ang bida at ikaw ang kalaban. Pero depende pa din kung kaibigan kita.

Wednesday, September 8, 2010

Aircraft Pangarap!





“ Kapag umiihip ng malakas ang hangin, hindi ko alam kung padadala ako sa kanya o susubukin kong hindi umayon upang mabatid ko , kung talagang kaya kong sumalungat sa direksyon na ibig nito. “ Unang araw noon ng klase nang makilala ko si Popoy sa school. Siguro mga grade four si Popoy noon at ako naman ay Fourth year student sa Philippine Normal University taking BSE major in Social Sciences.

Madalas mo akong makikita sa kalsada, sumisigaw ng pagbabago, humihingi ng katarungan sa mga taong inapi, para sa mga maralitang Pilipino na halos hindi na alam ang tunay na mukha ng pag asa. Handa akong mag sakripisyo para sa bayan, umiyak, lumaban sumuong sa pakikibaka. Bukas ang aking kaisipan sa madilim na landas ng pulitika, hindi ako bingi sa sigaw ng sikmura ng mga pilipinong gutom sa pagkain, higit sa lahat sa pagbabago. Ako si Carlo Mendoza.

Lumaki ako sa squatter, hindi na iba sa akin ang masukal at maputik na daan. Playground ko noon ang bundok na basura na sinasabing nilanguyan na nang madaming mga pulitiko sa bansa. Nakakatuwa lang isipin, doon nabuo ang lahat ng aking mga pangarap. Doon ko nakikita si Popoy tuwing umaga , dala ang mabigat na bag patungo sa eskwela. Isang kindat at matamis na ngiti ang lagi nyang ibinibigay sa akin sa tuwing magsasalubong ang aming mga paningin. “ Kuya Carlo, sabay na tayo pumasok ha, wala kasi akong kasabay ngayon eh, hindi kasi kumita si tatay kagabi sa pangangalakal ng basura kaya ayon, dalawang piso lang laman ng bulsa ko. Gusto ko pa sana itong tipirin para sa susunod na araw may baon pa ako”. Sabi ni Popoy sa akin noong minsang napadaan sa amin.

Di naman talaga kami close ni Popoy noon eh, pero simula noon, halos araw-araw na kaming sabay na pumapasok sa eskwela. Sinamahan ko minsan si Popoy sa paborito nyang tambayan. Sa likod ng isang gusaling may ikalawang palapag , abandunadong lugar. Mula doon ay tanaw namin ang lansangan, ang dumi nang aming kapaligiran , ang gulo ng klase ng pamumuhay sa aming pamayanan. Sa lugar din iyon una kong nabatid ang mga hinanakit, pag asa at mga pangarap ni Popoy sa buhay. Kuya, alam mo gusto ko talaga maging driver ng eroplano eh. Siguro astig yun ano? Pero parang mali , may tawag daw dun, nakalimutan ko na. “ sabi ni Popoy. Ah, alam ko na gusto mo maging PILOTO. Sabi ko. “ Tama ! kuya Piloto nga” sabay upo sa isang bangkito na nasa harapan nya. Kaso, alam ko naman na imposibe yun kuya. Pamasahe nga papunta sa eskwenla wala ako nung isang araw maging PILOTO pa. Bahagyang nalungkot ang mga mata ni Popoy , tila kinain ng katotohanan ang ngiti ng kanyang mga pangarap. Natahimik din ako ng bahagya.

Natahimik kami ng ilang minuto. Takot akong basagin ang katahimikan na umaalingawngaw sa amin. Inakbayan ko si Popoy noon, “ kuya marunong ka ba mag saranggola? “ sabi nya. Oo naman, ako pa! sagot ko. Yun naman pala eh halika tulungan mo ako paliparin ang aircraft pangarap. Huh? Aircraft pangarap? Anu yun? Sabay labas ni Popoy ng isang saranggola. Natawa ako nang makita ang saranggola , akala ko naman kung ano na yan Popoy. Saranggola lang pala yan, sabi ko. Yan ang akala mo kuya, di lang simpleng saranggola ito. Sa tuwing nagpapalipad ako nito dito ko sinusulat ang mga wish ko. Noong maysakit si tatay isinulat ko dito na sana gumaling sya. Gumaling naman sya. Noong nag wish ako na makapasok sa eskwela, dito ko din isinulat. Di ko alam kuya Carlo, feeling ko kapag lumipad na ito, nababasa ng Diyos ang mga wish ko. Sa totoo lang, naalala mo nung una tayong sabay na pumasok, sinabi ko sa aircraft pangarap na ilibre mo ako. Salamat kuya ha. Kasi pinakain mo pa ako nun. Ikaw, may mga wish ka din ba kuya? Napangiti ako. Wala naman siguro mawawala, sabi ko. Tiningnan ko si Popoy , habang ibinibigay nya sa akin ang saranggola. Gusto ko maging pulitiko balang araw! Halika na kuya , ano pa hinihintay mo? Paliparin na natin ang saranggola para magka totoo na ang wish mo.

Tinulungan ko si Popoy magpalipad ng saranggola, sana nga mabasa ng Diyos ang mga pangarap namin ni Popoy. Hindi man nya sinabi sa akin kung ano ang wish nya. Sana parehas na pagbigyan ng maykapal ang aming kahilingan. Kinabukasan, isang malakas na katok sa aming pintuan ang gumising sa akin. Patay na daw si Popoy, nasagasaan sa pagtawid patungo sa eskwela. Ilang taon na ang nakalilipas, buhay pa din si Popoy sa aking alaala. Nakikita ko pa din ang Aircraft pangarap. Ngayong congressman na ako patuloy pa din ako sa pagpapalipad ng saranggola.

“ Kapag umiihip ng malakas ang hangin, hindi ko alam kung padadala ako sa kanya o susubukin kong hindi umayon upang mabatid ko , kung talagang kaya kong sumalungat sa direksyon na ibig nito. “

Patuloy akong lumalaban para sa tama. Hindi madaling lumipad sa hangin na minsan ay lihis ang katwiran sa karamihan. Kung sasalungat naman, natatakot akong baka putulin ang pisi sa saranggola, alam kong hindi na ako makakabalik sa pinanggalingan. Ngunit kong ito ang paraan sa pagtupad ng mga pangarap ng aking mga kababayan. Buo ang loob ko na naipadala na nang sarnggola ko ang mga hinanaing sa langit. Maputol man ang pisi. Buo pa din ang koneksyon ng pag asa , pagmamahal at paniniwala na ang pagbabago ay malapit na.

Kay Popoy, na nagturo sa aking maniwala, mangarap at higit sa lahat lumipad. Maraming salamat.

Hanggang sa muling paglipad ng Aircraft Pangarap!

Saturday, January 9, 2010

Tasa


" Buti na lang may kape, kasabay ng paghalo ng kutsarita sa pingahalo-halong sangkap sa kapihan,, ay sumasabay din ang mga kwento ng buhay , masasayang alaala at mga hinanakit kung minsan. Salamat sa pagsama sa pag inom ng kape kaibigan!!! "

Nung isang araw lang kasama kitang nagkape, di ko ko maitago ang kalungkutan sa aking puso, ikaw ang pinaghuhugutan ko ng lakas ng loob, di ko makalimutan yung mga bagay na sinabi mo para bumangon ako sa pagkakadapa sa isang kumunoy na tila nagpaguho ng aking mga pangarap. Nasaan ka na kaibigan? nais ko muling marining kung paano mo ako pinalakas, nais kong madamang muli ang mahigpit mo na yakap, nais kong muling lumuha sa iyong mga balikat. Ngayon nag iisa na lang ako sa paborito nating kapihan. Nag iisang naghahalo ng kape , hanggang sa lumamig. Wala na akong kasabay na tumatawa, wala nang ngumingiti sa akin habang tumutulo ang aking mga luha, ngiti ng isang kaibigan na nagsasabing sige lang ibuhos mo lang , mamaya pagkatapos ng iyak may panibong bukas.

Hindi ko pa rin matanggap ang iyong paglisan sa mundong minsan nating pinagsamahan, pinagtawanan, iniyakan. Sa dako roon kung saan ikaw ay naroon, sana, sa paghalo ko ng mga sangkap sa tasa ng aking paboritong kapihan, naaamoy mo ang aroma ng kape ng aking pagmamahal, ng aking pangungulila sa isang taong pinagkautangan ko ng aking buhay, na tumulong upang mabuo ako bilang ako. Sana, dinig mo ang tunog ng kutsarita ng pangungulila sa mga tawa na iyong iniwan sa aking alaala. Sana, nalalasahan mo ang paborito mong timpla ng kapeng minsan nating pinagsaluhan, paghalo ng ating mga masasayang kwetuhan.

Isa na lang ako sa ating kapihan, pero batid kong darating ang panahon na muli tayong magsasalo at magkikita sa paborito nating timplahan, muli akong tatawa at iiyak kasama ka. Sa ngayon, hayaan mo munang matuto akong magtimpla mag isa, tanungin ang sarili ko kung tama ba ang timpla? kung madami bang asukal ang nailagay ko sa aking tasa? Tawanan mo na lang ako o ngitian kung makita mong napaso ako sa init ng aking pagtimpla, matututo din akong uminom ng kape mag isa.

Salamat sa kwento, sa mga aral at pakikipag kaibigan. Masakit mang sabihin saiyo ko inaaalay ang huling tasa ng kape, pababaunan na lang kita ng masasayang alaala ng ating pagkakape. Hanggang sa muling pagtaas ng ating mga kamay, hawak ang ating paboritong tasang kapihan.

Thursday, December 24, 2009

Fruit Salad

Paano gumawa ng isang masarap at mabilis na fruit Salad ????

Una kailangan ihanda ang mga gagamitin:

Isang malaking bowl ( lalagyan ng mga fruits ).
Isang malaking pang halo ng mga prutas para sa isang malaking bowl ( kumusta naman kung maliit kailan ka pa matatapos maghalo di ba? ).
Isang baso ng gatas kondensada
NOTE: wala naman gatas na nakalagay agad sa baso ( common sense naman) buksan mo muna mula sa lata tsaka mo ilagay sa baso.
Panulat tulad ng pentel pen( pula, itim o kaya naman kahel depende sa trip mo kung maarte ka)
Isang piraso ng Bond paper
Scotch tape
Syempre wag kalimutan ang Fruit cocktail.

Mga hakbang sa pag gawa:

teka, maghugas ng kamay ha, pagkain kaya yang gagawin mo!
Una, Ihanda ang isang malaking bowl.
Pangalawa, Buksan ang lata ng kondensada at ilagay sa baso. Dahan-dahang ibuhos sa bowl.
Pangatlo, buksan ang kinalalagyan ng fruit cocktail at ibuhos sa bowl kasama ng kondensada.
Pang apat, gamit ang malaking panghalo, paghalu-haluin ang mga sangkap.
Pang lima, kapag tapos nang haluin ang mga sangkap. Kunin ang pentel pen at bondpaper. Isulat sa bond paper ang katagang " masarap na fruit salad ".
Pang anim, kunin ang scotch tape at i-tape ito sa malaking bowl.

Ayan , tapos na ang masarap at mabilis na fruit salad.

Sunday, December 13, 2009

bisekleta


Sabi nila kapag mahal mo ang isang tao, handa ka gawin lahat ng bagay para sa kanya. Dumarating sa punto na di mo na minsan kilala ang sarili mo , kasi nakagagawa ka ng mga bagay na di mo inaasahan. Ganun na nga ba talaga ang pag ibig? Parang bulaklak lang ng gumamela na nilalaro ng bata , lalagyan ng konting sabon, pagkatapos dikdikin gamit ang bato, paghahaluin sa isang lalagyang lata pagkatapos kukuha ng straw upang makabuo ng isang malaking lobo, na kapag tuluyang nilipad ng hangin ay sadya namang puputukin. Kung minsan ng sya ring nagpagal na gawin ang mga sangkap.

Nakakapagod minsan kasi parang paullit-ulit lang, para ka lang isang bata nung una pa lang na tinuturuan magbisekleta , inaalalayan sa una, paglaon ng panahon, ang pinaka masarap na maalala, ang i-angkas ka ng taong tinuturuan mo noong unang magbisekleta. Sabay kayong tumatawang inaalala ang mga hirap, pagod at mga galos na dinanas mo bago ka nya matutunang i-angkas. Pero ang masakit dumarating din sa punto na kapag kaya na nyang pumidal mag isa at magmaneho ng bisekleta, nakikita mo syang unti-unting lumalayo sayo at iba na ang angkas.

Di bale ngayong nag iisa, magtatanim muna ako ng madaming punla sa matabang lupa. Para bukas o sa isang araw may isang malaking pag aani na magaganap at sa isang banda sa di kalayuan, makatanaw ako ng isang nararapat na tao na handang magmahal ng tapat palapit sa akin lulan ng isang bisekleta.

Tuesday, April 21, 2009

Bintana


Hindi ko alam , bakit nga ba tuwing umuulan ay nalulungkot ako. Hindi ko maunawaan kung dahil ba sa panahon o marahil sa malamig na simoy ng hangin. Umuulan na naman, sisilip na naman akong muli sa bintana para tingnan ang patak ng ulan..... Sa kabilang banda tatahimik ako saglit ngunit tila bibingihin ako ng katahimikan ng panahon, nang mga patak ng tubig , lamig ng hangin at mga alaala.

Mula sa bintana ay naalala ko ang aking pagkabata, kung paano ako tumawa, sumigaw, umiyak, tumakbo, nadapa at bumangon habang bumubuhos ang malakas na ulan. Hindi ko alintana ang sasabihin ng iba. Maging ng mga kaibigan at kapamilya, ang mahalaga, nagagawa ko lahat ng gusto kong gawin sa silong ng langit na nagbubuhos ng galit na nagdadala naman ng pag-asa para sa iba.

Di ko na mabilang kung ilang beses ko nang pinilit tuyuin ang basang-basa kong katawan ngunit hindi ako nagtagumpay. Siguro, manhid na sa lamig na dala ng hangin ng aking paligid. Mula sa malayo, nakita ko ang aking sarili na pagod na sa pagtakbo, gusto ko nang huminto, gusto ko nang huwag nang bumangon kapag nadapa, sumusubok akong sumigaw at humingi ng tulong pero walang nakakarinig, walang nakababatid. Naisip ko, mag isa lang ba ako na naglalaro sa ulan? Bakit wala man lang ako makalaro sa gitna ng pagbuhos ng malakas na bagyo? Nilimot na ba ako ng mga taong may dalang mga payong sa isang malakas na unos ng buhay?

Sabi nila kapag nagtanong ka daw sa Diyos , sasagot sya. Naalala ko, sa gitna ng malakas na ulan noon, nagtanong ako sa kanya. Pero bakit wala naman akong narinig na sagot mula sa kanya? Naisip ko tuloy, baka busy ang Diyos sa pagdidilig ng lupa, sa pagpapalago ng mga halaman, sa pagpapalaki ng mga puno sa kagubatan. Uuwi na lang ako para matulog at doon maghihintay ng ilang kasagutan sa tanong ng buhay.

Sa muli kong pagbangon mula sa aking higaan, naririnig ko na naman ang pagbuhos ng ulan. Sumilip akong muli sa aking bintana, sa di kalayuan ay natanaw ko ang ilang mga bata na masayang naliligo sa ulan. Puno sila ng buhay, mga musmos na di alam ang tunay na kahulugan ng buhay. Napangiti ako sa aking nakita, pero pumukaw ng pansin sa akin ang isang bata. Umiiyak, nakaupo sa gitna ng ulan. May sugat , umaagos ang dugo sa kanyang tuhod kasabay ng bawat patak ng ulan. Sabay ng pag agos ng kanyang luha at paghugas ng ulan sa kanyang mga mata. Susubukin ko sanang tulungan ang bata ngunit isang kama'y ang umabot sa kanya. Ngiti naman ang sukli ng batang kanina lang ay walang tigil na dumadaing ng sakit. Mula sa kinaroroonan niya, muling tumayo ang bata. kahit na hirap pa sa paglakad , sa muling pagsigaw ng kanyang kaibigan na " takbo na!" nagbalik ang lakas sa kanya at muling matapang na sinugod ang walang tigil na buhos nang ulan.

Napailing ako saglit, napangiti. Nagbuntong hininga. Kumulog ng malakas at isang nakasisilaw na kidlat ang tumama sa harapang puno na malapit sa aking bintana. Nanginig ako sa takot, lalo na nang makita ko na bumagsak ang sanga ng isang matatag na puno sa aking harapan. Sa isang saglit, muli kong ikinisap ang aking mga mata, hinanap ang parte ng puno na tinamaan ng kidlat. Sa aking pagkamangha, tila sumagot na ang Diyos sa aking mga tanong noon pa, mula sa putol na parte ng sanga isang pausbong na dahon ng pag asa ang muling tumutubo sa isang bubot na sanga. Simbolo ng pag-asa, nang bagong buhay at pakikibaka. Walang pinag kaiba sa isang bata kanina sa ulan at sa pausbong na dahon sa sanga. Maghihintay ng pagsikat ng araw mula sa Diyos na pinagmumulan ng lahat. May dahilan pala kung bakit umuulan... sa ngayon pipiliin ko namang magpasalamat at maghintay ng kasagutan sa mga bagay na hindi ko maintindihan. malay ko ba , baka sa susunod ibang sagot naman ang makita ko sa muli kong pagsilip sa aking bintana.