Tungkol sa Akin

My photo
Pasig City, Philippines
Ang alam ko masarap ako......... ka- kwentuhan, ka- baliktaktakan, bilang kaibigan. Magaling din ako..... sa mga bagay na di mo pa alam, kasi doon ako nakakalikha ng isang magandang kwento na ako ang bida at ikaw ang kalaban. Pero depende pa din kung kaibigan kita.

Thursday, December 24, 2009

Fruit Salad

Paano gumawa ng isang masarap at mabilis na fruit Salad ????

Una kailangan ihanda ang mga gagamitin:

Isang malaking bowl ( lalagyan ng mga fruits ).
Isang malaking pang halo ng mga prutas para sa isang malaking bowl ( kumusta naman kung maliit kailan ka pa matatapos maghalo di ba? ).
Isang baso ng gatas kondensada
NOTE: wala naman gatas na nakalagay agad sa baso ( common sense naman) buksan mo muna mula sa lata tsaka mo ilagay sa baso.
Panulat tulad ng pentel pen( pula, itim o kaya naman kahel depende sa trip mo kung maarte ka)
Isang piraso ng Bond paper
Scotch tape
Syempre wag kalimutan ang Fruit cocktail.

Mga hakbang sa pag gawa:

teka, maghugas ng kamay ha, pagkain kaya yang gagawin mo!
Una, Ihanda ang isang malaking bowl.
Pangalawa, Buksan ang lata ng kondensada at ilagay sa baso. Dahan-dahang ibuhos sa bowl.
Pangatlo, buksan ang kinalalagyan ng fruit cocktail at ibuhos sa bowl kasama ng kondensada.
Pang apat, gamit ang malaking panghalo, paghalu-haluin ang mga sangkap.
Pang lima, kapag tapos nang haluin ang mga sangkap. Kunin ang pentel pen at bondpaper. Isulat sa bond paper ang katagang " masarap na fruit salad ".
Pang anim, kunin ang scotch tape at i-tape ito sa malaking bowl.

Ayan , tapos na ang masarap at mabilis na fruit salad.

Sunday, December 13, 2009

bisekleta


Sabi nila kapag mahal mo ang isang tao, handa ka gawin lahat ng bagay para sa kanya. Dumarating sa punto na di mo na minsan kilala ang sarili mo , kasi nakagagawa ka ng mga bagay na di mo inaasahan. Ganun na nga ba talaga ang pag ibig? Parang bulaklak lang ng gumamela na nilalaro ng bata , lalagyan ng konting sabon, pagkatapos dikdikin gamit ang bato, paghahaluin sa isang lalagyang lata pagkatapos kukuha ng straw upang makabuo ng isang malaking lobo, na kapag tuluyang nilipad ng hangin ay sadya namang puputukin. Kung minsan ng sya ring nagpagal na gawin ang mga sangkap.

Nakakapagod minsan kasi parang paullit-ulit lang, para ka lang isang bata nung una pa lang na tinuturuan magbisekleta , inaalalayan sa una, paglaon ng panahon, ang pinaka masarap na maalala, ang i-angkas ka ng taong tinuturuan mo noong unang magbisekleta. Sabay kayong tumatawang inaalala ang mga hirap, pagod at mga galos na dinanas mo bago ka nya matutunang i-angkas. Pero ang masakit dumarating din sa punto na kapag kaya na nyang pumidal mag isa at magmaneho ng bisekleta, nakikita mo syang unti-unting lumalayo sayo at iba na ang angkas.

Di bale ngayong nag iisa, magtatanim muna ako ng madaming punla sa matabang lupa. Para bukas o sa isang araw may isang malaking pag aani na magaganap at sa isang banda sa di kalayuan, makatanaw ako ng isang nararapat na tao na handang magmahal ng tapat palapit sa akin lulan ng isang bisekleta.

Tuesday, April 21, 2009

Bintana


Hindi ko alam , bakit nga ba tuwing umuulan ay nalulungkot ako. Hindi ko maunawaan kung dahil ba sa panahon o marahil sa malamig na simoy ng hangin. Umuulan na naman, sisilip na naman akong muli sa bintana para tingnan ang patak ng ulan..... Sa kabilang banda tatahimik ako saglit ngunit tila bibingihin ako ng katahimikan ng panahon, nang mga patak ng tubig , lamig ng hangin at mga alaala.

Mula sa bintana ay naalala ko ang aking pagkabata, kung paano ako tumawa, sumigaw, umiyak, tumakbo, nadapa at bumangon habang bumubuhos ang malakas na ulan. Hindi ko alintana ang sasabihin ng iba. Maging ng mga kaibigan at kapamilya, ang mahalaga, nagagawa ko lahat ng gusto kong gawin sa silong ng langit na nagbubuhos ng galit na nagdadala naman ng pag-asa para sa iba.

Di ko na mabilang kung ilang beses ko nang pinilit tuyuin ang basang-basa kong katawan ngunit hindi ako nagtagumpay. Siguro, manhid na sa lamig na dala ng hangin ng aking paligid. Mula sa malayo, nakita ko ang aking sarili na pagod na sa pagtakbo, gusto ko nang huminto, gusto ko nang huwag nang bumangon kapag nadapa, sumusubok akong sumigaw at humingi ng tulong pero walang nakakarinig, walang nakababatid. Naisip ko, mag isa lang ba ako na naglalaro sa ulan? Bakit wala man lang ako makalaro sa gitna ng pagbuhos ng malakas na bagyo? Nilimot na ba ako ng mga taong may dalang mga payong sa isang malakas na unos ng buhay?

Sabi nila kapag nagtanong ka daw sa Diyos , sasagot sya. Naalala ko, sa gitna ng malakas na ulan noon, nagtanong ako sa kanya. Pero bakit wala naman akong narinig na sagot mula sa kanya? Naisip ko tuloy, baka busy ang Diyos sa pagdidilig ng lupa, sa pagpapalago ng mga halaman, sa pagpapalaki ng mga puno sa kagubatan. Uuwi na lang ako para matulog at doon maghihintay ng ilang kasagutan sa tanong ng buhay.

Sa muli kong pagbangon mula sa aking higaan, naririnig ko na naman ang pagbuhos ng ulan. Sumilip akong muli sa aking bintana, sa di kalayuan ay natanaw ko ang ilang mga bata na masayang naliligo sa ulan. Puno sila ng buhay, mga musmos na di alam ang tunay na kahulugan ng buhay. Napangiti ako sa aking nakita, pero pumukaw ng pansin sa akin ang isang bata. Umiiyak, nakaupo sa gitna ng ulan. May sugat , umaagos ang dugo sa kanyang tuhod kasabay ng bawat patak ng ulan. Sabay ng pag agos ng kanyang luha at paghugas ng ulan sa kanyang mga mata. Susubukin ko sanang tulungan ang bata ngunit isang kama'y ang umabot sa kanya. Ngiti naman ang sukli ng batang kanina lang ay walang tigil na dumadaing ng sakit. Mula sa kinaroroonan niya, muling tumayo ang bata. kahit na hirap pa sa paglakad , sa muling pagsigaw ng kanyang kaibigan na " takbo na!" nagbalik ang lakas sa kanya at muling matapang na sinugod ang walang tigil na buhos nang ulan.

Napailing ako saglit, napangiti. Nagbuntong hininga. Kumulog ng malakas at isang nakasisilaw na kidlat ang tumama sa harapang puno na malapit sa aking bintana. Nanginig ako sa takot, lalo na nang makita ko na bumagsak ang sanga ng isang matatag na puno sa aking harapan. Sa isang saglit, muli kong ikinisap ang aking mga mata, hinanap ang parte ng puno na tinamaan ng kidlat. Sa aking pagkamangha, tila sumagot na ang Diyos sa aking mga tanong noon pa, mula sa putol na parte ng sanga isang pausbong na dahon ng pag asa ang muling tumutubo sa isang bubot na sanga. Simbolo ng pag-asa, nang bagong buhay at pakikibaka. Walang pinag kaiba sa isang bata kanina sa ulan at sa pausbong na dahon sa sanga. Maghihintay ng pagsikat ng araw mula sa Diyos na pinagmumulan ng lahat. May dahilan pala kung bakit umuulan... sa ngayon pipiliin ko namang magpasalamat at maghintay ng kasagutan sa mga bagay na hindi ko maintindihan. malay ko ba , baka sa susunod ibang sagot naman ang makita ko sa muli kong pagsilip sa aking bintana.